Wednesday, January 03, 2018

Bulong

Bulong
Charlie Fox

Sa kabilugan ng buwan
ako'y nangusap
na tila ikaw ang kaharap

Sa kanyang liwanag
na sadyang kaakit-akit
ako'y bumulong, tila umaawit

May ngiti sa labi
aking sinambit
Lihim na matagal nang nakakubli

Ang aking pagnanais
na ika'y makapiling
at ang paghinhintay na iyong pansinin

Sana sa buwan
ikaw rin ay nakatingin
nang iyong marinig aking munting hiling

Ang iyong ngalan
kay sarap sambit sambitin
Musika sa tainga sa gabing madilim

Liwanag ng buwan
ako ay iyong balutin
Bigyang init ang katawang nanlalamig sa dilim

Tila sa bisig mo
Ako'y nakayapos
kabog ng 'yong dibdib aking naririnig

Isang halik sa iyo
O aking mahal
Sa buwang marikit iyong abutin

Magkalayo man ngayong gabi
Sa iisang langit nakatingin
Sa kabilugan ng buwan ako'y humiling