Isa sa pinakamaaasahan at pinakamabilis na mode of transport sa Pilipinas ay ang MRT sa Edsa. Ito ay naglalakbay mula sa North Avenue ng lungsod Quezon hanggang sa Taft Ave ng Maynila.
Sa paglipas ng mga taon, ito ang aking naging choice of transportation. Di maikakailang mabilis ang biyahe dahil iwas sa traffic, bukod pa sa mura ang pamasahe. Tipid ka na, on-time pa sa patutunguhan. Subali't sa kabila ng kabutihang ito samu't saring problema ang kinahaharap ng bawa't mananakay sa araw araw.
Nagsimula ang operation ng MRT taong 2000. Taong 2004 naman nang magsimula akong maging pasahero nito. Sa Ortigas ang aking trabaho. Ang biyahe ko ay mula Quezon Ave. hanggang Ortigas. 4 na istasyon ang tatawirin. Nasa higit kumulang 20 minuto ang biyahe. Napakaginhawa hindi ba? Noong simula ay talaga namang biyaya ang turing ko sa pagkakaroon ng MRT. Maayos pa kasi ang kalagayan nito noon. Malinis ang mga tren pati na rin ang istasyon. Maluwag pa noon kapag sumasakay dahil kakaunti pa ang mga pasahero kahit na tuwing rush hour. Kay sarap balikan ang ganoong mga alaala sa pagsakay ng MRT. Sabi ko nga noon, habang nakasakay sa MRT, hindi magtatagal at magiging tulad na rin tayo ng Japan at Singapore. Maunlad at moderno.
Napag-alaman ko rin na mula pala sa bansang Czech Republic ang mga bagon ng MRT. Napansin ko ito nang minsan akong nakasakay sa dulong bagon. May maliit na plaka sa dingding at nakasulat na mula ito sa The Czech Republic. Di ko lang alam kung brand new itong binili o pinaglumaan na ng nasabing bansa bago ito inangkat papunta dito sa atin.
Nakalulungkot na sa paglipas ng panahon tila napabayaan ang pangangalaga sa MRT. Ang noo'y simbolo ng umaasensong imahe ng bansa ay naging bangungot para sa mga mananakay. Unti unting nasira ang mga magagandang bagon. Mula sa bilang na mahigit 20, 7 hanggang 10 na lamang ang maayos na umaandar sa kasalukuyan. Bukod sa pinaglumaan na ng panahon (at wala nang mabiling piyesa pamalit sa mga nasira), ang kurakot sa sistema ng pamamalakad nito ang pangunahing dahilan upang ito ay lubusang mapabayaan. Luma at may diperensya na ang mga gumagana pang bagon. Dahil sa nabawasan ang bilang, siksikan na ang pagsakay dito. Lumobo na rin ang bilang ng mga pasahero nito sa loob ng 17 taon. Dahilan upang maging malaking kalbaryo para sa mga mananakay. Ang pila sa mga istasyon tuwing rush hour ay umaabot ng kilometro. Kapag nakasakay ka naman, siksik sardinas ang tuwinang sitwasyon. Malas mo pa kung masiraan sa gitna ng biyahe. Tatawid ka ng riles, makababa lamang.
Sa tuwing masisiraan ang MRT, alay lakad ang drama. Maari namang mag-bus kaya lang di kakayanin ang buhol buhol na traffic sa EDSA. Mahuhuli ka talaga sa oras. Malimit na ring masiraan ang tren. Bagay na kinaiinisan ng mga mananakay. May mga insidente pa na nasasaktan ang mga pasahero tulad ng minsang nawala ito sa riles.
Nagtangka naman ang pamahalaan na ito ay palitan, nguni't sa kakulangan ng sapat na pagplaplano, nauwi sa kapalpakan ang mga ito. Sisihan at turuan kaliwa't kanan ang ating narinig mula sa iba't ibang ahensya ng gobyerno. Sumasalamin lamang sa mahinang uri ng pamahalaan na mayroon tayo. Sino ba naman ang bibili ng tren na hiwalay ang kaha sa makina? paano mapapangalagaan ang kabuuang kalagayan ng MRT kung sampu-sampung contractor ang mangangasiwa nito. Pinatalsik ng pamahalaang Aquino ang kompanyang Mitsubishi na siyang matagal ng nangangasiwa sa maintenance ni MRT, upang maipasok ang mga kompanyang kaalyado ng pamahalaan. Sa pangangalaga ng Mitsubishi, isang kompanya na may sapat na kaalaman sa pangangasiwa ng tren, naging maayos ang pagpapatakbo sa MRT, sa kabila ng kakulangan sa pondo. Sa pagpalit at pagpasok ng mga contractor na di magkasundo, nagsimulang mapabayaan ang MRT. Nakalulungkot at nasilaw sa tukso ang mga tagapamahala ng MRT, kasama na ang ating pamahalaan (ng nakaraang administrasyon).
Sa pagkakaluklok ni Pangulong Duterte noong taong 2016, nangako syang aayusin ang problema sa MRT. Sa loob daw ng 6 na buwan ay mapapansin ang unti-unting pagginhawa ng mga mananakay. Sa kasamaang palad, hindi ito natupad. Madaling sabihin, mahirap gawin. Sadyang malalim ang ugat ng problema. Sa kasalukuyan ay makikitang nakatiwangwang sa North Ave. Station ang mga bagon ng bagong tren. Nguni't ito'y mga kaha lamang. Walang makina kung kaya't di mapaandar. Ayon sa huling impormasyon, mayroon ding dumating na makina ngunit hindi ankop para sa riles ng MRT. Nagsayang lamang ng salapi. At syempre nasayang din ang oras.
Ayon sa pag-aaral ng JICA, isang ahensya na nagbibigay tulong sa mga umuunlad na bansa tulad ng Pilipinas, bilyones ang halaga ng nawawalang salapi sa bawa't oras na kinakain ng matinding traffic sa kalakhang Maynila. Subali't sa isang mahinang pamahalaan, tila mahirap itong ipaunawa. Ano nga ba naman ang pakialam nila sa bilyones na nasasayang kung ang kanilang mga bulsa ay laging nabubusog.
Kaya para sa ating mga mananakay, tuloy ang kalbaryo. tuloy ang sagupaan. Gayunpaman, Hindi ko pa rin ipagpapalit ang MRT. Tiis-tiis lang at konting diskarte sa pagsakay. Hindi man sya komportable, walang kapalit ang oras na matitipid sa pagsakay sa MRT. Kaya kapit lang mga kapwa mananakay. Habang umaandar ang MRT, mananatiling may pag-asa na ito ay marehabilitate. Nawa'y dumating ang araw na maibalik nito ang dati nyang nakahahalinang anyo.
Thursday, March 30, 2017
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment