Tuesday, December 19, 2017

Panibugho

Panibugho
Charlie Fox

Gabi gabi naghihintay
Oras oras nag-aabang
Bakit ba wala ka pa?
Hindi ka pa umuuwi

Saan ka ba naroroon?
Sino ang kasama mo?
Ano ang 'yong ginagawa?
Masaya ba sa piling nya?

Puso ay naninibugho
Sa tuwing ika'y nasa isipan ko
Damdamin ay nasasaktan
Tuliro at gulong gulo

Nais matulog nang mahimbing
Kapayapaan sa isip aking hiling
Subali't sa tuwing maaalala ka
Isip ay ligalig at aligaga

Paano ka maaangkin?
kung ikaw ay hindi akin
Hanggang kailan titiisin?
Damdami'y di na kayang supilin

Kung iyong naririnig
Daing ng aking puso't isip
Ikaw ang nais kapiling
Sa tuwina ay makasiping

Pilit mang sugpuin
Nag-aalab na damdamin
Tawag ng aking laman
Init ng iyong mga labi

Sa iyong mga bisig
gusto kong magising
Sa halimuyak mong taglay
nais na malasing

Pananabik ng damdamin
Nag-uumapaw at humihiyaw
Sa gitna ng dilim
Tahimik na sumisigaw

Monday, December 18, 2017

Ligaw Tingin

Ligaw Tingin
Charlie Fox

Sinusundan araw araw
Hinahabol-habol ng tingin
Mula hagdan hanggang bintana
Sa bawa't hakbang mo'y nag-aabang

Masilayan lamang ang iyong ngiti
Pakiwari ko'y naabot na ang langit
Ano ba ang sa iyo ay nakita?
pagkabighani ay di na maalis

Kapag ikaw ay wala
Araw ay malumbay
Sa paligid pilit hinahanap
Kahit batid na ika'y wala

Lahat sa iyo ay aking alam
Maging ang iyong lihim na sinta
Maganda sya at bagay kayo
Subali't di pa rin magawang lumayo

Paano ka aangkinin
kung hindi ka naman akin
Matuto na lamang makontento
sa pagliligaw tingin

Ang araw sumisigla
Ang oras tila anong bilis
Puso ko'y lumulundag
tuwing ngalan mo'y maririnig

Lumipas man ang panahon
Damdamin ko'y di magbabago
Ikaw pa rin ang sinisinta
Kahit alam kong hanggang pangarap na lamang

Dumating din sa wakas
At kailangan nang magpaalam
Mabigat man sa damdamin
Alaala mo'y kailangan nang iwan