Monday, December 18, 2017

Ligaw Tingin

Ligaw Tingin
Charlie Fox

Sinusundan araw araw
Hinahabol-habol ng tingin
Mula hagdan hanggang bintana
Sa bawa't hakbang mo'y nag-aabang

Masilayan lamang ang iyong ngiti
Pakiwari ko'y naabot na ang langit
Ano ba ang sa iyo ay nakita?
pagkabighani ay di na maalis

Kapag ikaw ay wala
Araw ay malumbay
Sa paligid pilit hinahanap
Kahit batid na ika'y wala

Lahat sa iyo ay aking alam
Maging ang iyong lihim na sinta
Maganda sya at bagay kayo
Subali't di pa rin magawang lumayo

Paano ka aangkinin
kung hindi ka naman akin
Matuto na lamang makontento
sa pagliligaw tingin

Ang araw sumisigla
Ang oras tila anong bilis
Puso ko'y lumulundag
tuwing ngalan mo'y maririnig

Lumipas man ang panahon
Damdamin ko'y di magbabago
Ikaw pa rin ang sinisinta
Kahit alam kong hanggang pangarap na lamang

Dumating din sa wakas
At kailangan nang magpaalam
Mabigat man sa damdamin
Alaala mo'y kailangan nang iwan

No comments: